Ano nga ba ang kahulugan ng buhay?

credits to :https://www.gotquestions.org/Tagalog/Kahulugan-Buhay.html

Ano ang kahulugan ng buhay? Paano ako makakasumpong ng layunin, katagumpayan at kasiyahan sa aking buhay? Mayroon ba akong kakayahan upang punuin ang isang bagay na pangwalang hanggan? Napakaraming tao ang patuloy na hinahanap kung ano nga ba ang kahulugan ng buhay. Kanilang inaalala ang mga taong nagdaan at nagtataka sila kung bakit hindi nagtagumpay ang kanilang mga relasyon at sa wari nila'y walang saysay ang lahat ng kanilang mga nagawa, kahit naabot pa nila ang mga nais marating at matupad na pangarap. May isang sikat na manlalaro ng larong baseball na kabilang sa prestihiyosong “Hall of Fame” ng larong baseball. Tinanong siya kung ano ang nais niyang sinabi sana sa kanya bago pa man siya nagsimulang maglaro ng baseball. Sumagot siya, nais ko sanang may nagsabi sa akin noon pa, na kung maabot ko man ang tuktok ng tagumpay wala pala itong saysay. Maraming mga pangarap ang natuklasang wala palang saysay matapos ang maraming taong nasayang sa pagsusumikap upang makamit mga ito.

Sa mundo ng tao, sinisikap niya na makamit ang kanyang mga layunin at iniisip na dahil sa kanilang mga ginagawa ay masusumpungan nila ang kahulugan ng buhay. Ilan sa mga pinagsisikapang makamit ng tao ay ang tagumpay sa negosyo, pagkakamal ng maraming salapi, pagkakaroon ng mabuting relasyon, pag-aasawa at paggawa ng mabuti sa kapwa at marami pang iba. Subalit maraming tao ang nagsabing sa kabila ng nakamit na nila ang lahat ng kanilang mga pangarap, nagkamal na ng kayamanan at nagkaroon ng mabuting relasyon at nakamit ang pinapangarap na maging asawa ngunit tila mayroon pa ring kulang sapagkat may puwang sa kanilang mga puso na kailanma'y hindi kayang punan ng ano mang bagay sa sanlibutan na Diyos lamang ang tanging makapupuno.

Inilarawan ng may-akda ng Mangangaral ang kanyang nararamdaman nang kanyang sinabi na walang kabuluhan, walang kabuluhan, ang lahat ay walang kabuluhan. Ang may-akda ng aklat na ito ay isang napakayamang tao at walang katulad ang kanyang angking talino mula noong kanyang kapanahunan hanggang sa ngayon. Napakarami rin niyang naging asawa, napakaganda ng kanyang palasyo at hardin na kinainggitan ng ibang mga kaharian. Natikman rin niya ang pinakamasarap na mga alak at pagkain at naranasan ang lahat ng uri ng mapaglilibangan. Sinabi din niya na dumating siya sa punto ng kanyang buhay na lahat ng gusto ng kanyang puso kanya ng nakuha ngunit sinabi pa rin niyang ang buhay ay walang kabuluhan. Bakit may ganitong kakulangan ang tao? Sapagkat nilalang tayo ng Diyos para sa isang mas mataas na patutunguhan at ang layunin Niya sa atin ay hindi lamang para sa buhay na ito sa mundo. Sabi nga ni Solomon, inilagay ng Diyos sa puso ng tao ang pagnanasa sa walang hanggang mga bagay. Sa ating mga puso alam nating ang “Dito at Ngayon” ay hindi ang siyang kabuuan ng ating buhay. Alam nating mayroon pang mas higit dito.

Sa unang aklat ng Bibliya, ang Genesis, makikita natin na nilalang ng Diyos ang tao ayon sa Kanyang wangis (Genesis 1:26) Ang ibig sabihin nito ay mas katulad tayo sa Diyos kaysa sa ano pa mang bagay. Nalaman din nating nahulog sa kasalanan ang tao. Ang mga sumusunod ay totoo: (1) Ginawa ng Diyos ang tao na marunong makisama (Genesis 2:18-25), (2) Binigyan ng Diyos ang tao ng trabaho (Genesis 2:15), (3) Nakihalubilo ang Diyos sa tao(Genesis 3:8) at (4) Ibinigay ng Diyos sa tao ang pamamahala sa mundo. (Genesis 1:26) Ano ba ang kahalagahan ng mga nabanggit? naniniwala akong ang lahat ng ito ay ibinigay ng Diyos upang maging ganap ang kasiyahan at katagumpayan ng tao. Subalit ang lahat ding ito lalong lalo na ang pakikihalubilo ng Diyos sa tao ay naapektuhan ng mahulog ang tao sa kasalanan (Genesis 3).

Sa huling aklat ng Bibliya, ang Pahayag, sinasabi dito na sa wakas ng panahon, gugunawin ng Diyos ang kasalukuyang langit at lupa at gagawa siya ng bagong langit at bagong lupa. Sa panahong iyon, ibabalik rin niya ang pakikihalubilo Niya sa mga taong Kanyang tinubos. Ang mga taong hindi karapat-dapat ay itatapon sa lawang apoy.(Pahayag 20:11-15) At ang sumpa ng kasalanan ay mawawala na, wala na ring kasalanan, kalungkutan, karamdaman, kamatayan, gutom, sakit at lahat ng masasakit na karanasan. (Pahayag 21:4) Ang lahat ng mananampalataya ay magmamana ng lahat ng mga bagay. Ang Diyos ay maninirahang kasama nila at sila ay magiging mga anak ng Diyos. (Pahayag 21:7) Ginawa tayo ng Diyos upang makasama Siya. Nagkasala ang tao at dahil dito nasira ang relasyon natin sa Diyos, subalit ibinalik ng Diyos ang relasyong iyon sa mga taong kanyang hinirang upang sumampalataya.

Ang pagkakamit ng lahat ang kagustuhan sa lupa ngunit mamatay na hiwalay sa Diyos ay mas nakakatakot na higit sa anupamang bagay! Subalit ginawa ng Diyos na posible pang magkamit ang tao ng walang hanggang kaligayahan (Lucas 23:43) at pwede pa Niyang gawing ganap at makabuluhan ang ating buhay sa mundo. Ngayon, paano natin makakamit ang walang hanggang kasiyahan at ang katiyakan ng buhay sa langit habang tayo ay naririto pa sa lupa?


Mga Komento